MENU

selyo kahusayan sp 2020 150x150 

 

Nananawagan ang Komisyon sa Wikang Filipino para sa mga lahok sa KWF Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko, isang prestihiyosong parangal para sa mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan na nagpamalas ng mahusay na paggamit ng wikang Filipino sa kanilang paglilingkod.

 

Pagtalima ito sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa lahat ng mga kagarawaran, kawanihan, opisina, ahensiya, at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya.

 

Nagsimula noong 2016, ilan sa mga ilang ulit nang pinarangalan ng Selyo ng Kahusayan ang Korporasyong Pangkoreo ng Filipinas (PHLPOST), Lungsod Mandaluyong, Lungsod Maynila, at Lungsod Taguig.

 

May iba’t ibang antas ang gawad, mulang una hanggang ikaapat, na sumasalamin sa mataas na paggamit ng Filipino sa serbisyo publiko.

 

Ilan sa mga pagbabatayan ng gawad ang paggamit ng Filipino sa panloob at panlabas na pakikipag-ugnayan ng ahensiya; pagsasalin ng iba’t ibang teksto ng organisasyon gaya ng misyon, bisyon, at gabay ng mamamayan; pagkilos ng binuong Lupon sa Wikang Filipino (LWF); at iba pa.

 

Mangyayari ang gawad sa Araw ni Quezon sa 19 Agosto 2020. Bahagi ito ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang Kasaysayan ng Wika: Wika ng Kasaysayan.

 

Kinakailangan lámang magpadala ng pabatid ang mga ahensiyang nais lumahok. Personal na bibisita ang mga kawani ng KWF para makipagpulong at magsagawa ng ocular.

 

Tatanggap ang KWF ng mga lahok hanggang 15 Mayo 2020.

 

Para sa karagdagang detalye, maaaring bumisita sa kwf.gov.ph o magpadala ng email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Maaari ding tumawag sa Sangay ng Literatura at Araling Kultural sa (02)8252-1953.